Monday, June 9, 2008

Noong last day ng voting, ang Second Big Placer na si Robert Marion "Robi" Domingo raw ang nangunguna sa botohan for the Big Winner. Pero laking-gulat ng marami noong pangalan ni Ejay ang i-announce as big winner. Diumano, dumagsa raw ang boto kay Ejay nung bandang gabi, na siyang naging dahilan ng pagkatalo ni Robi sa kanya at maging pangalawang PBB Teen Edition Big Winner si Ejay.
"Uhm, para sa ‘min po, para sa aming apat hindi na inisip yun. Hindi na namin ini-expect kung sino ang may pinakamaraming vote para sa amin. Para sa amin yung naging Big Four kami, winner na kaming lahat," panimula ni Ejay sa The Buzz.
Ano ang plano niya sa kanyang napanalunan sa PBB Teen Edition Plus?
"Ah, para sa pag-aaral ng mga kapatid ko at para sa pag-aaral ko."
Gusto rin tulungan ni Ejay ang kanyang mama at nakagisnang ama na si Mang Erning na winner din among the guardians ng teen housemates sa loob ng bahay ni Kuya. Umaasa pa rin kasi si Ejay na magkabalikan na ang kanyang mga magulang.
"Sana po," sambit niya. "Kasi yun ang dream ko, magkabalikan sila. Kung hindi naman po, pareho ko silang tutulungan."
EJAY WANTS VALERIE. Kung mabibigyan daw siya ng chance na mamili na makasama sa teleserye o pelikula ng ABS-CBN at Star Cinema, pipiliin niya sina Sarah Geronimo at ang ex-teen housemate niya na si Valerie Weigmann. Pinapili rin si Ejay ng mga hosts ng The Buzz (Boy Abunda at Ruffa Gutierrez) between Valerie and Sarah.
"Hmm...si Valerie po," nangingiting sabi ni Ejay.
Ipagpapatuloy ba niya ang panliligaw kay Valerie ngayong nasa labas na sila pareho ng Bahay ni Kuya?
"Kung bibigyan pa niya ako ng isang chance, gusto ko po."
Tinanong ulit siya ni Boy kung bakit niya nasabi ang "isa pang chance," dahil ba nabasted na siya ni Valerie?
"Hindi po, pero...kasi parang naudlot sa loob, kasi lumabas siya sa bahay."
Nagkita rin daw sila ni Valerie sa big night sa Araneta Coliseum noong Sabado ng gabi. Pero hindi raw sila nakapag-usap.
"Uhm, nagtitigan lang po. Hindi siya makaayat sa stage kasi po bawal."
Ipinahambing din ni Boy kay Ejay kung anong klaseng bulaklak para sa kanya ang nililiyag na ex-teen housemate Valerie.
"Ah, rose. Kasi ano po, sa una akala mo mahirap hawakan kasi matinik. Pero kapag nahawakan mo siya, napakagandang bulaklak."
Sa huli ay nagpasalamat si Ejay sa mga sumuporta sa kanya para tanghaling big winner ng PBB Teen Edition Plus.
EVER HELPFUL ROBI. Umalingawngaw naman sa loob ng studio ng The Buzz ang malakas na sigawan pagtawag sa Second Big Placer ng Pinoy Big Brother Teen Edition Plus na si Robi Domingo. Mismong si Robi ay di makapaniwala na gano'n na karami ang mga humahanga sa kanya. Kaya tinanong agad siya ni Boy Abunda kung ano ang nararamdaman niya nang mga sandaling yun.
"Ah, unexpected po," bungad ni Robi with a big smile.
Kinuwento naman ni Boy ang nakarating sa kanya na noong i-announce ang pangalan niya bilang second placer ay hindi raw agad makaupo si Robin sa lugar niya. Nag-e-expect daw kasi si Robi na siya ang tatanghaling big winner.
"Well, sumasagi po sa isipan ko, kasi siyempre po last two na po. Iba po'ng experience."
Na-disapoint ba siya na hindi siya ang nanalong Big Winner sa PBB Teen Edition Plus?
"Ah, hindi po."
SHOWBIZ AND SCHOOL. Tulad ba ng ibang ex-housemates niya, type din ba ni Robi ang mag-artista?
"Well, ang plano ko po this year, ma-try ko po na mapagsabay yung studies ko at sana po yung opportunity [na magkapag-artista]."
Tiniyak naman ni Robi na babalik siya ng Ateneo De Manila University ngayong schoolyear.
Binanggit naman ni Boy na ang pinsan ni Robi na si Atty. Celine Casanova ay abugado niya at ng kaibigan niyang si Kris Aquino. Kasunod nito ay ni-reveal ni Robi ang kanyang crush sa showbiz na naging dahilan ulit ng malakas na sigawan sa studio ng The Buzz.
"Ha! Crushes po? Si ano po, siyempre po si, ah...maganda po si Kim Chiu. Ah, si Shaina [Magdayao] po and Iya Villania."
Ano sa tingin niya ang meron siya na wala sa tatlong lalaki na nali-link sa kanyang mga showbiz crush namely, sina Gerald Anderson (Kim's love team), John Prats (nali-link kay Shaina), at Drew Arellano (boyfriend ni Iya).
"Ah, true-blue [Atenista] po," diretso niyang sagot.
Wala namang maisip na pinakaseksing babae sa showbiz si Robi nang tanungin siya nina Boy at Ruffa na nag-interbyu sa kanya.
"Wala pa po akong maisip. Lahat po kasi maganda."
Payag ba siyang maging ka-love triangle sa love team nina Kim at Gerald?
"Why not? I'll do anything po."
Pagkatapos ay nagbigay ng mensahe si Robi sa mga sumuporta sa kanya sa PBB Teen Edition Plus.
"Sobrang salamat po sa inyo. Dahil, ah...alam ninyo po talaga, after [three] straight nominations, unexpected po yung Big Four po. Dapat yung pagka-2nd Big Placer po sobrang nakumpleto na ako."
DONATING AND HELPING. Nagkaroon naman ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng chance na makausap si Robi pagkatapos ng live interview niya sa The Buzz. At sinabi niya sa amin kung ano ang gagawin niya sa napanalunan niyang cash prize.
"Marami po akong balak tulungan, gamit po yung prize-money ko [P500,000]. Unang-una po yung parte po noon gusto kong ibalik sa Ateneo para yung parang donation sa funds ng tinutulungan namin. And yung iba, gusto ko po yung pera tulungan ang mga pinsan ko, sa mother side ko po.
"Kasi po yung mga pinsan ko, iba ang life nila. Yung tita ko, namatay nung December 24. E, siya lang po ang nagpapabuhay. Tatlo po sila na anak at magka-college po. Para po sa tuition nila. ‘Tapos yung matitira po sa family ko."
Sa pagkakaalam ni Robi naayos na ng mommy niya ang pag-enrol niya sa Ateneo. Kaya lang ay hindi pa raw niya alam kung ano ang kursong kukunin niya.
"Titingnan ko mamaya, hindi pa po ako lumalabas ng bahay."
Bukod sa mga nabanggit niya na hahatian ng kanyang napanalunang cash prize, tutuparin din daw niya ang pangako nila ng dating housemate niya na si Alex sa isa pa nilang kasamahan sa Bahay ni Kuya.
"May pangako po ako kay Nan pati si Alex na parang magbo-boy's night out kami," huling sinabi ni Robi.
No comments:
Post a Comment