PBB Teen winner Ejay Falcon patiently waits for projects in ABS-CBN

Julie Bonifacio
Saturday, September 20, 2008


Pagkatapos tanghaling Big Winner sa Pinoy Big Brother Teen Edition Plus, hindi na muling nasilayan sa telebisyon si Ejay Falcon. Sa grand opening ng Forever Flawless sa bago nitong branch sa Greenhills Shopping Center, isa si Ejay sa mga celebrity guests. Dito nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

"Nagwo-workshop kami," bungad ni Ejay nang kumustahin namin siya. "Naka-nine sessions na kami. Sabi nila, 17 sessions lahat daw po yun kaya kalahati pa lang kami."

Okey lang daw siya kahit wala pa siyang regular show sa ABS-CBN, ‘tulad nina Josef Elizalde, Nicole Uysiengsu, at Robi Doming na lumabas na sa My Girl.

"Actually, wala pa pong sinasabi. Pero sana meron. Dati pa naman yung paglabas ko, alam ko hindi pa ako ready na isalang, alam ko rin sa sarili ko. Pero ngayon, pinaghahandaan ko naman po kung sakaling may darating na trabaho. Para ‘pag isinalang ako, may ibubuga ako."

Kumusta naman sila ng co-housemate niya dati sa Bahay ni Kuya na si Valerie?

"Nagkikita pa rin po kami sa workshop. Magkaibigan pa rin po kami," sabi niya.

Nililigawan niya pa rin ba si Valerie o sila na?

"Sa ngayon, hindi ko masasabing nililigawan ko siya," sabi ni Ejay. "Basta close lang po kami. Mas mabuti yung makilala namin ang isa't isa. Pero walang ligaw-ligaw pa."

Natupad na ba niya ang mga pangarap niya for his family?

"Napag-aral ko na po yung kapatid ko. Pinapag-aral ko po ngayon, college po siya. ‘Tapos yung iba, nasa probinsiya. Nagpapadala rin ako minsan ng pera."

Nasa probinsiya na raw ang kanyang ama-amahan at nakasama sa loob ng Bahay ni Kuya na si Ka Erning. Nakabili na ba siya ng bangka?

"Hindi po siya bumili ng bangka. Pero bumili po siya ng lupa sa Mindoro."

Malaki ba yung lupa na nabili niya?

"Para sa amin po, sa kagaya namin, malaki na po yun. Nagtatanim po sila, coconut. Para yung copra, ibebenta nila."

Coconut plantation ba ito?

"Opo," sabi ni Ejay.

Lahat ba na napanalunan na P500,000 ni Ka Erning ang pinambili niya ng lupa para sa coconut plantation niya?

"Kasi para po sa amin, yung pera na yun, sobrang malaking lupa na po yun. Sa amin po kasi, mas mura ang lupa. Mga P230,000 po yung bili sa lupa ni Papa."

Nakuha na ba nila lahat ng napanalunan nila sa PBB?

"Opo, pati po yung sa akin nakuha ko na rin po. Yung sa akin po, naka-time deposit, ano po P350,000. Yung iba po binayaran ko na po ng one year yung condo na tinitirhan ko ngayon sa Future Point Plaza po, malapit sa ABS-CBN.

"Binayaran ko na yun ng one year. Ano lang, P108,000 lang po. ‘Tapos yun nga, pinapag-aral ko yung kapatid ko. Sa JRU siya nag-aaral. Kaming dalawa po ang nakatira sa condo. May tax po na binawas, kaya P800,000 yung napunta sa akin."

Kasama rin sa premyo ni Ejay ang condo unit sa may Valenzuela. Pero dahil malayo ang lugar at wala naman daw siyang sasakyan kaya hindi rin niya matirhan ang napanalunan niya na condo unit.

Binigyan din niya ng P160,000 ang kanyang discoverer at hairdresser na si Benjie Alipio. Sa ngayon, naghihintay lang siya ng project na ibibigay sa kanya ng ABS-CBN. Pero kamakailan, may bulung-bulungan na nagko-call boy na lang daw siya.

"After nung PBB o dati pa po?" paglilinaw niya. "Kasi maraming isyu sa akin. Kung ngayon po, basta sa mga nagsasabi niyan, bahala na sila. Basta ako, alam ko sa sarili ko na hindi ako ganun. Hindi po ako pinalaki ng mga magulang ko ng ganun."

Original Content

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER

All videos, photos and articles posted in this site belong to their respective owners. This is a fansite and we don't claim ownership of any of the videos, photos and articles herein unless otherwise specified.