PBB Teen winner Ejay Falcon ready to face challenge as new actor

Philippine Entertainment Portal
Alex Datu
Wednesday, March 25, 2009


Magsisimula na naman ang bagong season ng Pinoy Big Brother (PBB) sa ABS-CBN. At marami pa rin ang katanungan sa pananahimik ng grand winner ng PBB Teen Edition Season 2 na si Ejay Falcon dahil pagkatapos niyang hirangin na grand winner ay bigla siyang nanahimik.

May balitang umuwi siya sa kanilang probinsya sa Marinduque. Ang matindi, may balitang nawawala ito dahil hindi alam ng kanyang mga magulang at pati na ng kanyang manager ang kinaroroonan nito. Mayroon pang balita na nag-asawa na siya dahil nawalan na siya ng gana na pasukin ang pag-aartista dahil sa sobrang bagal ng pag-usad ng kanyang career.

Kaya ikinagulat namin ang biglaang imbitasyon ni Mr. Jaime Acosta, President-CEO ng Psalmstre Enterprises, para saksihan ang pictorial ni Ejay. Sa studio ng photographer na si Edward dela Cuesta nakita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang baguhang aktor para sa pictorial niya sa Olive-C, isang beauty bar product ng Psalmstre.

Ayon kay Ejay, hindi ito ang una niyang pagkakataon na mag-endorse ng isang produkto pagkatapos niyang manalo sa PBB.

"Pangalawa ko ito, nauna ang Bench," sabi niya. "Wala namang problema kung sino ang naunang endorser. Pumapayag kami kahit anong gusto, madali kaming kausap. Kung sa iba, nagkakaproblema pa, kami, go."

Isang taon ang kontrata ni Ejay sa Psalmstre Enterprises to endorse Olive-C. Ano ba ang ipinagbabawal sa pinirmahan nitong kontrata? Bawal ba sa kanya ang mag-asawa o ma-involve sa malaking kontrobersya, tulad ng sex scandal o droga?

"Kahit naman hindi bawal, kahit hindi nakalagay sa kontrata ko ang mga ganun, hindi ko naman gagawin 'yon. Siguro kaya naman ako kinuha kasi alam nilang hindi ko gagawin yung mga ipinagbabawal nila. Kaya ipinagkatiwala sa akin ito."

HIS OWN DECISION. Kumusta naman ang showbiz career niya? Bakit tila natagalan ang paggawa niya ng projects samantalang ang ibang kasabay niya ay matagal nang napapanood?

"Gusto ko rin naman na matagal," sabi ni Ejay. "Ang totoo niyan, sinabi ko kay Direk Lauren [Dyogi] noong paglabas ko na gusto ko munang magpahinga ng kahit two months. Kaya lang, lumagpas ng dalawang buwan, pero pagkatapos wala pa rin.

"Natsismis pa ako na lilipat sa kabila [GMA-7]. Hindi totoo 'yon kasi ang laki ng utang na loob ko sa ABS-CBN. Pero hindi naman ako nagsasalita nang patapos. Siyempre, para din sa aking career move. Siyempre, lahat naman ng nag-aatista, naghahanap ng trabaho.

"Nagpapasalamat nga ako dahil mayroon naman akong project, yung kay Juday [Judy Ann Santos], yung Habang May Buhay. Sa kabila naman, sa TV5, yung Lipgloss. Yun pa lang.'

Inamin ni Ejay na alam niya sa sarili na hindi pa siya handa noon, kaya ayaw niya pang sumabak sa pag-arte. Pero ngayon, handang-handa na raw siya pagkatapos pumasok sa maraming acting workshops.

"Ngayon pa lang ako nagiging ready, pero hindi pa naman kami inabot ng one year. Kasi noong lumabas kami [sa Bahay ni Kuya] ay June yun. Six months."

Kitang-kita sa aura ni Ejay na malakas na ang loob nito para harapin ang anumang intriga at halata ang pagiging relaxed sa aming panayam.

"Sanay na ako," sambit niya. "Yung paglabas ko kasi [sa PBB], halos lahat ng laman ng pahayagan, ako, e. Parang lagi na lang, palagi na lang. May mga bad and marami namang good publicity kaya okey lang."

Link

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER

All videos, photos and articles posted in this site belong to their respective owners. This is a fansite and we don't claim ownership of any of the videos, photos and articles herein unless otherwise specified.