Ejay Falcon: "Hindi ako pikon."

by Rommel Placente | Thursday, May 13, 2010
PEP.ph

Sobrang happy ngayon ang Big Winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition Season 2 na si Ejay Falcon dahil pinagkatiwalaan siya ng ABS-CBN ng sarili niyang show. Ito ang Agimat: Mga Alamat ni Ramon Revilla Sr. Presents Pepeng Kuryente. Kaya naman sobrang nagpapasalamat si Ejay sa Kapamilya network sa pagtitiwalang ibinigay sa kanya na makapagbida na sa isang show.

"Hindi ko po in-expect na makakasama ako sa Agimat. Kasi nung dati, nung ni-launch yung apat para sa Agimat—si Jake [Cuenca], Jolo [Revilla], Gerald [Anderson], at si Coco [Martin]—parang naiisip ko sa sarili ko na sana magkaroon din ako ng ganyan. Tapos ngayon, ayun po, dumating na nga. Sobrang ipinagpapasalamat ko po yun sa ABS. Sobrang masaya po ako ngayon!" bulalas ni Ejay nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Agimat na ginanap sa ELJ Building ng ABS-CBN kahapon, May 12.

Wala pang idea si Ejay kung sino ang makakapareha niya sa Pepeng Kuryente.

"Hindi ko pa po alam kung sino ang magiging partner ko," aniya. "Pero sa akin naman po, ayoko talagang ako ang pipili ng magiging partner ko. Ayoko pong sa akin manggaling,"

ACTION STAR. Action ang Pepeng Kuryente. Hindi pa naman nasusubukan ni Ejay na mag-action sa mga serye na ginagawa niya. So, paano niyang pinaghahandaan ang role niya bilang si Pepeng Kuryente?

"Kasi dati nagba-boxing po ako. Minsan nagmu-Muay Thai, siguro itutuluy-tuloy ko na lang. Yung mga nalalaman ko, siguro gagamitin ko dito. 'Tsaka siyempre, gusto kong mag-workshop para dito po," sabi ng young actor.

After niyang manalo noon sa PBB ay hindi naman agad nabigyan ng mga proyekto ng ABS-CBN si Ejay. Ngayon pa lang nagkakasunud-sunod ang kanyang shows. Pero okey lang naman yun kay Ejay. Sa tingin naman daw niya, noong lumabas na siya sa Bahay ni Kuya ay parang hindi pa siya ready na mapanood ang sarili na umaarte sa telebisyon.

"After PBB kasi, di ba, ang payat-payat ko? Tapos sobrang mahiyain ako. Pag kinakausap ako noon, halos hindi ako nagsasalita. Nasabi ko nga sa sarili ko noon nung mag-guest ako sa May Bukas Pa, tapos naging leading man ni Erich [Gonzales] sa Katorse, 'Siguro 'eto na yung time. Alam ko sa sarili ko na this time, puwede na ako, na kaya ko na.' Kaya siguro mabuti na rin po yung ganito para sa akin na nakapag-prepare po ako."

"HINDI AKO PIKON." Hindi pa man natatapos ang drama series na Tanging Yaman, kung saan kasama si Ejay sa cast, heto't magsisimula na siyang mag-taping para sa Pepeng Kuryente. Sunud-sunod talaga ngayon ang mga proyekto ni Ejay sa ABS-CBN.

Hindi ba natatakot o nababahala si Ejay na kuwestyunin siya ng kanyang detractors na sabihing kahit hindi naman siya mahusay umarte, pero paborito siya ngayon ng ABS-CBN? Marami kasi ang nagsasabi na hanggang ngayon, kahit ilang beses na ring nagkaroon ng serye si Ejay ay hindi pa rin ganoon kahusay umarte.

"Siguro po doon sa mga magsasabi ng ganoon sa akin, hindi ko na lang po sila papansinin. Siguro mas mabuting pagbutihan ko na lang yung trabaho ko. 'Tsaka yung mga taong ayaw sa akin, hindi ko na lang sila pinahahalagahan. Mas pinapahalagahan ko yung mga taong nagmamahal sa akin, yung mga taong may gusto sa akin," saad niya.

Pikon ba si EjayFalcon? Napipikon daw siya kapag sinasabihan siyang hindi marunong umarte. How true?

"Siguro po kung pikon ako, wala na po ako dito [showbiz]," sabi niya. "Yun nga yung parang nagugustuhan ko sa sarili ko, na nagiging proud ako, na parang alam ko sa sarili ko na hindi ako pikon. Kaya siguro ayun, tuloy-tuloy pa rin na pinagbubutihan ko yung trabaho ko. Kasi kung pikon po ako, baka hindi ko magagawa nang tama yung trabaho ko."

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER

All videos, photos and articles posted in this site belong to their respective owners. This is a fansite and we don't claim ownership of any of the videos, photos and articles herein unless otherwise specified.