Ejay Falcon insists that he doesn’t have a child or gay benefactors

by Dominic Rea | May 15, 2010 1:40 AM
ABS-CBN.com

Malaki na nga ang ipinagbago ni Ejay Falcon when it comes to interviews. Sa presscon ng bagong mga gaganap sa Agimat, Ang Alamat ni Ramon Revilla, deretsahan at may laman na kung sumagot ang binata sa mga tanong sa kanya. “Siguro po dahil natuto na rin po ako. Aminado naman po ako na noong mga unang araw ko sa showbiz hindi ko po talaga alam kung anong gagawin ko, tapos, mahiyain po talaga ako, sabi pa nga nila noon na matipid din daw akong sumagot. Sa dinami-rami naman po siguro ng nakakasalamuha ko at nakatrabaho na sa showbiz, ang tao naman po, natututo sa katagalan," sagot ni Ejay.

Marami rin ang nagtanong kung okay na ba sila ng kanyang Tanging Yaman co-star na si Erich Gonzales, na napabalitang may awayan sila noon. “Okay na po kami ni Erich. Nakapag-usap naman po kami at ayos na po lahat nung kung ano man pong naging problema namin dati. Nakakalungkot din kahit papano dahil matatapos na rin ang Tanging Yaman, medyo makaka-miss 'yung samahan naming lahat na matagal-tagal ding nagkasama,” paliwanag ng binata.

Nabigyan naman ngayon ng kakaibang kulay ang diumano ay palagi nitong pag-uwi sa kanyang probinsiya sa Pola, Mindoro. Ayun sa balita, may inuuwiang anak diumano si Ejay doon. “Wala po akong anak sa pagka-binata. Wala po akong nabuntis sa amin. Chismis lang po 'yun! Halos hindi na nga po ako makauwi-uwi sa amin dahil sa dami rin po ng trabaho ko ngayon. Kaya lang po ako umuwi nitong bago mag-eleksiyon, kasi, bale, tinulungan ko lang din po 'yung isang opisyal po du'n sa amin dahil nung time po na pumasok po ako sa PBB ay tinulungan din po nila ako at sobra po ang suporta nila sa akin kaya nagpasalamat lang din po ako sa kanya." aniya.

Sa kabilang banda, lagi raw niyang dini-date sa Virra Mall, Greenhills ang kanyang non-showbiz girlfriend na marami na rin ang nakakakita sa kanila. Is it true? “Ah, wala po akong girlfriend ngayon, single po ako kaya wala po akong dini-date. Kaya po siguro nila nasabi 'yun dahil mayroon po akong pinaayos na cellphone ko sa Greenhills and pabalik-balik din po ako doon kasi doon din po ang derma ko. At minsan din po ay kasama ko rin po ang mga kapatid ko that time na nandito po sa Manila ngayon," paliwanag ni Ejay.

Parang din a matapos-tapos ang issue sa young actor at sinasabi rin sa mga tabloid na nakita siyang may kasamang grupo ng bading kamakailan lang sa Boracay. Ang siste, 'yung bading pa raw ang nag-sponsor ng kanyang hotel accommodation. “Tito, may trabaho naman po ako at hindi naman po akong mapagsamantalang tao sa kapwa ko. Wala po akong pinipiling kaibigan, babae man o lalake, bading man siya, basta kaibigan po ang turing nila sa akin, kaibigan ko rin po sila kahit saan ko po sila makita. Yung bading na sinasabi po nila ay dati pong nagmi-make-up sa amin noon sa PBB. So, nung magkita-kita po kami sa Boracay, alangan naman pong hindi ko sila papansinin? Hindi naman po ako ganoon. At saka, wala po akong nakikitang masama o mali kung may mga kaibigan po akong bading. Hindi ko po sila ikinakahiyang maging kaibigan. Mababait naman po silang lahat sa akin so, wala po akong nakikitang problema," pahayag ng PBB Teen Edition Plus winner.

No comments:

Post a Comment

DISCLAIMER

All videos, photos and articles posted in this site belong to their respective owners. This is a fansite and we don't claim ownership of any of the videos, photos and articles herein unless otherwise specified.